Tuesday 17 December 2013

IPAD, IPHONE o IPON

Sa panahon natin ngayon, halos every month ay mayroong mga bagong inilalabas na mga modelo ng iba't-ibang uri ng gadget. Mapa laptop, tablet, telepono at kung anu-ano pang mga gadgets. In fact, sa newsfeed ng aking Facebook, walang araw na lilipas na hindi ako makakakita ng aking mga friendship na mag po-post  ng kanilang bagong acquired na gadget, particularly mga  smart phones. "At last I have U!" wika ng isa, "A gift for myself", "My new toy" - for sure kayo rin na may mga Facebook accounts, may nakikita rin kayong mga ganitong posts sa inyong newsfeed.


There's nothing wrong with that naman. Syempre each one of us has our own prerogatives diba? Choice nya yun e. Karapatan nya yun.

Kagaya ng kakilala kong babae. Naka I-phone, I-pad, laptop, may home theatre, pero hindi duon nagtatapos ang description ng buhay nya. Nangungupahan din sya, may trabaho sya, minimum wage earner. may tatlong anak at syempre pa, may-asawa. May trabaho naman ang asawang lalaki kahit paano, trabaho nya ang tomoma, magpabili kay misis ng ganito at ganoon, at madalas nga, buong araw syang nagpapagod sa kanyang Clash of the Clans. Mahilig din silang mamasyal at kumain sa labas.

What am I pointing out here? Majority sa atin, walang alam sa tamang pag handle ng kanilang finances. Ito ang madalas na dahilan kung bakit maraming Pilipino ang nababaon sa utang o kaya naman ay nahihirapan sa buhay. Ito rin ang dahilan kung bakit marami sa ating mga kababayan ang hindi masaya sa uri ng pamumuhay mayroon sila.

Nauuna kasi sa atin ang luho, ang kagustuhan at hindi ang kailangan. Marami once na marinig na may ilalabas na bagong modelo ng Samsung o ng Apple, talaga namang unahan sa pagbili, kahit utang pa yan, basta't magkaroon lang sila ng ganon. Kasi nga naman hindi "in" pag hindi uso ang gamit na gadget. Kaya pagdating ng bayaran, di magkandaugaga sa paghahanap ng iba na namang mauutangan. Kaya ayun, dumadating sila sa punto na hindi na nila namamalayan, mas malalim pa pala ang hukay na nahukay nila dahil sa pagkakautang nila kaysa sa hukay na paglilibingan sa kanila.

 Sa tuwing naiimbitahan ako na magsalita tungkol sa Financial Literacy o kung paano maging financially free, usually, after the event maraming participants ang nakikipag-usap sa akin at ang palaging tanong sa akin ng mga tao, paano nga ba? Ano ang magandang negosyong dapat pasukin o paano at saan ako magsisimula? Paano ko mababago at mapapaganda ang buhay ko? Isa lang ang lagi kong sagot sa mga taong lumalapit sa akin na ganito ang mga tanong. Tinitingnan ko lang sila at saka ko sasabihing, tanungin mo muna ang sarili mo kung decided ka na ba talaga na magbago ang buhay mo at pag talagang decided ka na, saka ka na ulit makipag-usap sa akin.

For those people na hindi nakakaunawa, they would take it negatively. Pero sa mga talagang nais magbago ang buhay nila, they would take the challenge and my ways.



Maaaring ikaw din na bumabasa nito, nagtatanong ka sa sarili mo ngayon, bakit ganoon ang sagot ko sa kanila. Simple. There is no point starting a new kung ikaw mismo sa sarili mo ay hindi talagang desidido. Ano yun? Hindi kasi sapat na sabihin mo na desidido ka talaga. Hindi duon nagtatapos iyon. Hindi pagkatapos mong sabihing, "oo, desidido akong mabago ang buhay ko" ay gaganda na nga ang buhay mo. It's not like that. It is a process. It is a long, tedious, full of hardwork process. Kaya kung ikaw ang tipo ng tao na ang gusto ay instant yaman, hindi ito para sa iyo. Maraming mga so called financial speakers or advisers, nagsasabing you don't need hardwork. May sikreto daw sila sa pagyaman. All you have to do is to attend their trainings, and mind you, hindi mura ang trainings na ino-offer nila, kaya kung wala kang pera para umattend ng training nila, mananatili kang poor. Sila yun, hindi ako yun. I don't care whether you have the money or you don't have the money. What I care about is how decided are you to change your life and how much efforts can you give. Kasi kahit may pera ka, kung hindi ka naman ganoon ka-desidido, ayaw ko ding maging mentor mo. Magsasayang lang ako ng oras sa iyo. Kasi para sa akin, isang napakalaking achievement na ang makita ko na ang tinuturuan ko ay ma-achieve nya fully ang pagbabago  na nais nyang mangyari sa kanyang buhay. Hindi ako nagbebenta o nag-i-endorso ng anumang produkto kaya makakasiguro ka na walang lokohan sa mga trainings ko. Kasi hindi naman ako motivated ng pera kundi, motivated ako ng isang adhikain. Adhikain na makatulong kahit na sa pinaka maliit na paraan upang maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga tao na talagang ibig mabuhay ng maayos at matiwasay.

Ikaw, ano ang inuuna mo I-PAD, I-PHONE o I-PON? Kung anoman ang sagot mo, tanging ikaw lang ang makakaalam. Ang tanging alam ko lang, kung ano ang ginagawa mo, ito ang lumalabas na priority mo. Sabi nga, action speaks louder than words.

Ok then, till next time! Babuu!!!


Monday 16 December 2013

"Auntie Terry"

Biglaan lang itong panulat kong ito. Nalungkot kasi ako ng mabasa ko ang istorya ng isang Pinay na nagbigay inspirasyon sa isang Singaporean film director upang makagawa ng isang pelikula na may pamagat na "Ilo ilo".

Photo from Iloilo Movie Facebook Fan Page

Angat sa iba ang pelikulang "Ilo ilo" kasi ito ay isa sa mga finalists sa 2013 Cannes Festival at nanalo ito ng "Camera d'Or prize" sa Cannes. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na manalo at makatanggap ng ganitong karangalan ang Singapore sa ganito ka-prestihiyosong film festival. At hindi lang sa Cannes pinarangalan ang nasabing pelikula. Tumanggap din ito ng iba't-ibang papuri at parangal galing sa iba't-ibang mga award giving bodies kagaya ng pinaka huling award na natanggap ng nasabing pelikula nito lang 2013 Asia Pacific Screen Awards. Iloilo Movie Awards and Recognitions


PHOTO COURTESY OF SELRAHCO
Don't get me wrong. Masaya ako para sa lahat ng casts at crews, para sa lahat ng bumubuo ng pelikulang "Iloilo". They deserve the awards.


Malungkot ako sa naging buhay ni "Auntie Terry" o Teresita Sajonia sa totoong buhay. Malungkot ako sa naging kwento ng kanyang buhay. Kaya ko sya isinusulat ay para sana mamulat ang mga makakabasa nito. Para ito sa mga kababayan ko na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanilang mga mahal sa buhay. Sana maka-relate po kayo at sana ay maging eye-opener ito sa inyo.



Photo from Iloilo Movie Facebook Fan Page

Si Auntie Terry kasi ay dating nagtrabaho sa Singapore bilang katulong. Sya ang dating katulong ng pamilya ng Director ng pelikulang "Iloilo" na si Anthony Chen. Inalagaan nya noon ang noo'y bata pang director na si Direc Anthony Chen at ang nakababatang kapatid nito na si Christopher.

Kahit papaano ay masasabing maayos ang buhay dati ni Aunti Terry. (Auntie, kasi ito ang normal na katawagan sa Singapore at Malaysia para sa mga matandang babae na hindi mo kamag-anak). Naging priority nya nuong nagtatrabaho pa sya ang kanyang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas. In fact, sya pa nga ang nagpaaral sa kanyang pamangkin nuon na ngayon ay ni hindi man lang makapag-alok ng anumang tulong sa kanya.

Ang punto ko po dito ay ito, marami sa ating mga kababayang OFW na kung magpadala ng pera sa kanilang pamilya ay higit pa sa kanilang kaya. Marami halos simutin ang bulsa nila dito sa abroad at ang iba, nangungutang pa, para lang maipadala nila sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Hindi nila napagtutuunan ng pansin ang reyalidad na isang araw, uuwi rin sila ng Pilipinas. Isang araw, titigil din silang magtrabaho. Maaaring dahil tapos na ang kontrata, o dahil may kaguluhan sa bansang iyon kaya kailangan silang pauwiin, o kaya hindi na sila feel ng amo nila o ang masaklap, hindi na sila makapag trabaho kasi may sakit na sila o dahil na rin sa kanilang katandaan.

At dahil sa hindi napagplanuhang sitwasyon, sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas, mag-uumpisa na nilang mararanasan ang mga bagay na hindi nila naisip na kanilang mararanasan. Syempre, madalas, pag-uwi ni OFW sa Pinas, wala naman syang trabaho. Walang trabaho, means walang sweldo. Walang Sweldo means walang pera. At walang pera means wala ka na ring maaasahan. Kung dati, nuong may pera ka pa, sikat ka. Ang daming taong nakapaligid sa iyo. Pati nga kapitbahay mo na hindi mo naman ka-close, nakikihingi ng pasalubong. Ngayon, mismong mga mahal mo sa buhay na ginastusan mo, pinag-aral mo, ni hindi ka man lang nila malingon upang bigyan ng tulong.

Masakit. Malungkot ako kay Auntie Terry kasi ni hindi man lang sya mabilhan ng salamin ng pamangkin na pinag-aral nya. Dati, ang plano nya, nais sana nyang maging Midwife o Nurse kapag nakapag abroad sya pero hindi ito nagkaroon ng katuparan. Pinagpalit nya ang pangarap nya para suportahan ang mahal nya sa buhay na ngayon ay hindi man lang sya maalalang tulungan. 

Ilan ba sa atin ang ganito? Nasa ganito ka rin bang sitwasyon, kaibigan? Mag-isip-isip ka. Huwag kang magpadala dyan sa emosyon mo, kundi bagkus gamitin mo yang emosyon mong iyan upang maiangat kayong lahat sa kahirapan. Huwag mong ipadala lahat ang kinikita mo sa kanila. Ipunin mo at gamitin mo sa iba pang pwedeng pagkakitaan. Huwag mong gastusin sa mga bagay na mawawalan din ng halaga pagkalipas ng ilang panahon. Marami kasi hindi alam ang tungkol sa pag hawak ng pera. May iba, napapailing na lang ako, kasi pag dating ng sahod, bili agad ng mga usong gadgets. Ang sasabihin pa, "investments" daw nila. Panong investment e pagkabiling-pagkabili mo pa lang, depreciated kaagad ang value! Hay nakupow! Ang investment, yung something na makapagpapasok sa iyo ng karagdagang kita. Hindi iyong mababawasan na nga ang pera mo, magkakaroon ka pa ng karagdagang gastusin! Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ang nahihirapan sa buhay. Bagamat kumikita sila, nahihirapan pa rin sila. Kasi nga, it is not how much you earn but it is how you manage your earnings. Maaaring malaki nga ang kinikita mo, pero ang lumalabas naman sa iyo ay doble sa kinikita mo, bukas makalawa, matatagpuan mo ang sarili mo na baon ka na sa utang. Mas malalim pa ang hukay na hinukay mo sa pagkakautang kesa sa hukay na paglilibingan sa iyo. Kaya't gising, kaibigan! Huwag kang magpadala sa buyo ng iyong emosyon kundi bagkus, maging matalino ka, lalo na sa pananalapi. Huwag mong bayaang mangyari ang bagay na ito sa iyo. Kung talagang mahal mo ang mga mahal mo sa buhay, kung talagang gusto mong makaahon sa kahirapan, tulungan mo muna ang sarili mo upang makatulong ka ng maayos sa iba. Hindi iyong tutulong ka ngayon sa kanila pagkatapos bandang huli ikaw naman ang magiging pabigat sa iba. Ang masakit, pagdumating ang pagkakataong iyon na wala man lang makaalala sa iyo. 

Maging matalino ka sa pananalapi. Matuto kang magnegosyo at maging maingat sa anumang negosyo na papasukin mo. Huwag kang basta sasabak sa bagay na hindi mo nalalaman o dahil sabi lang ni kumare o ni kumpare o ni tatay o ni nanay o ni poncio pilato. Maging maingat ka sa pagdedesisyon. Tulungan mo ang sarili mo. Mag basabasa ka, mag-aral ka. Huwag kang magpapadala sa mga nagsasabing pag sumali ka dito, agad magbabago ang buhay mo. Pag nagpadala ka sa mga ganoong tao, totoo yun, bukas magbabago kaagad ang buhay mo, sila mayaman ikaw pulubi. Nagpaloko ka kasi sa scam nila. Lagi mong tatandaan, there is no such thing as instant yaman. Pagpaguran mo, paglaanan mo ng oras at dapat ang bawat matututunan mong mabuti, isabuhay mo. There's no point na basa ka nga ng basa, aral ka nga ng aral, hindi mo naman ginagawa, wala rin. Don't expect for anything great to happen in your life if you are not doing anything new. 

Huwag mo ng sundan ang naging istorya ng buhay ni Auntie Terry. Gumawa ka ng sarili mong istorya. Istorya na magiging inspirasyon sa mga tao. Umpisahan mo na! Kilos na! Ngayon na!






Monday 2 December 2013

Bakit Maraming OFW ang Hindi Umaasenso Kahit Nakapag Trabaho sa Labas ng Bansa ng Mahabang Panahon

Sa kasalukuyan, napakaraming Overseas Filipino Workers (OFW) o ayon sa POEA ang dapat na katawagan ay OCW o Overseas Contract Workers, sa halos lahat na ata ng panig ng mundo. At halos lahat sila, iisa ang dahilan ng pangingibang-bayan. Ang kumita ng mas malaking halaga ng pera para maiangat ang buhay ng kanilang pamilya. Pero halos karamihan sa mga nagtrabaho sa ibang bansa, pag-uwi, ganon pa din ang buhay, walang pinagbago. Ang nagbago lang, kung dati walang ni isa man sa pamilya nila ang may cellphone, ngayon kahit na ang limang taong gulang na bata ay may sariling cellphone. Maliban duon, wala na.

Naalala ko yung kakilala ko dati na may tatlong anak. Bago sya umalis papuntang abroad, tinanong sya ng misis at anak nya kung bakit pa niya kailangang umalis. Ang sabi nya, "alam nyo namang mahal na mahal ko kayo at kahit ano, lahat gagawin ko, mabigyan ko lang kayo ng magandang kinabukasan". Sa madaling salita, nangibangbansa ang kakilala kong ito, at makalipas ang ilang taon, ay muli siyang nagbalik-bayan. Syempre pa, excited to the max ang mag-anak na muling magsama-sama, at hindi lang ang mag-anak nya ang excited sa kaniyang pagbabalik, syempre pa, excited rin ang kaniyang mga kaibigan, kamag-anak at mga kapitbahay! Syempre, galing abroad, baka nga naman makabalato ng mga imported na chocolates, kape, noodles, o sardinas. Halos araw-araw, parang piyesta sa kanila. Palaging may kasiyahan, may kainan, may inuman. Palaging maraming bisita. Naging normal na ang ganitong senaryo sa bahay nila sa halos tatlong linggo. Makalipas ang isang buwan, napansin ko, wala ng mga taong nagpupunta sa bahay nila, wala na rin ang ingay ng kasiyahan at inuman. One time, nakasalubong ko siya sa Ortigas. Konting kamustahan (kasi ito lang ang pagkakataon na nagkausap kami sa dami ng taong nakapaligid sa kanya nung bagong dating siya). Nalaman ko sa kanya, nag-aapply syang muli para makapangibang bansa at nagtatanong kung saan sya pwedeng makahiram ng pera. Naubos na raw kasi ang perang uwi nya. Medyo matagal-tagal din kaming nagka-usap at sa pag-uusap namin, na-realize ko na halos pareho ang kwento nya sa iba ko pang kakilala na nagtrabaho sa ibang bansa. Na ang kanilang pangunahing dahilan kung bakit nais nilang mag-abroad ay para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya, pero pagkatapos ng ilang taon, ganon pa rin. Pa-ikot-ikot lang sila sa kanilang sitwasyon. Kaya ang naging tanong ko tuloy sa sarili ko, totoo nga ba na tanging pangingibang bansa lamang ang paraan upang maiangat ang pamumuhay ng iyong pamilya? O may ibang factor na dapat tayong i-consider kung nais nating maging maganda ang takbo ng buhay natin? Na kahit ano pa ang ginagawa natin, saan man tayo nagta-trabaho, may mga bagay na kailangan tayong i-konsidera kung talagang seryoso tayo na mapaganda ang lagay ng ating pamilya.

Sa mga kakilala ko na paikot-ikot lang ang pangyayari sa kanilang buhay. Ito ang mga bagay na napansin ko na nais kong maibahagi sa inyo at nawa'y makatulong ito sa inyo upang mamulat ang inyong mga mata sa katotohanan at maisaayos ang dapat isaayos at maiwasan ninyong magawa ang ganitong pagkakamali.


Karaniwang Ugali ng Mga OFW

Photo courtesy of Ms. +Annalou Laudico 
Masyadong emosyonal - Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging malapit sa ating mga mahal sa buhay, kaanak at mga kaibigan, syempre naman, mahal kasi natin sila. Kaya pagdating ni OFW sa ibang bansa, madalas, agad siyang tinatamaan ng "Homesick". Kaya para mapag labanan ito, madalas nauubos ang kaniyang pera sa pagtawag sa kaniyang mga mahal sa buhay. Ito ang matindi, kapag si OFW ay sumuweldo, ang unang gagawin, lahat ng pera nya, agad ipadadala sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Magtitira lang sya ng pera na kasyang-kasya lang para sya ay maka survive sa buong buwan. Ika nga e, wag lang malaglagan ng piso at tiyak di na makakauwi ng bahay. Kaya ngayon ang pamilya niyang naiwan, pag tanggap ng kanyang perang pinagpaguran, anong mararamdaman? Syempre pa, tuwang-tuwa! As in super excited! Isipin mo naman, first time lang makahawak ng ganoon kalaking halaga. Kasi nung sa Pilipinas pa nagta-trabaho si OFW, malaki na ang take home na limang libo sa isang buwan. Take note, isang buwan. Hindi po ito kinsenas. Kung kinsenas, P2,500. Kaya si pamilya na makakatanggap ng beinte mil, di magkandatuto sa paggastos sa sweldo ni OFW! Bili ng cellphone, syempre pa, dapat yung uso! Dapat smart phone ika nga, bili ng mga mamahaling brand ng sapatos, damit, bag, at kung anu-ano pa. Kung dati, nagkakasya lang sila sa pagkain ng mga simpleng pagkain sa bahay, ngayon hindi na syempre. Dapat punta tayong mall kasi mainit sa bahay. Kain tayo sa Pizza Hut, Shakeys, Jollibee. Grabe! Ika nga, sa pagtaas ng income ng kanilang pamilya, agad-agad ring tumataas ang standard ng kanilang pamumuhay. Madalas, mas mataas kaagad ang itinataas ng standard ng kanilang pamumuhay kesa sa income ng kanilang pamilya. Kaya wala pang katapusan, si pamilya, tatawag kay OFW, sabay sabing, "Mahal, kelan ka uli magpapadala? Kasi ubos na ang perang ipinadala mo sa amin." Akala kasi nila, kinsenas-katapusan din ang sweldo mo gaya sa Pinas kaya madalas, wala pang kalagitnaan ng buwan, ubos agad ang perang ipinadala ni OFW sa kanila.

Imagine, nung nasa Pilipinas ka pa, nung hindi ka pa nangingibang-bayan, nakakaraos kayo sa limang libong pisong budget buwan-buwan. Ngayon nakapag abroad ka lang, ang beinte mil na pinapadala mo sa pamilya mo, ni hindi man lang magkasya sa buong buwan. Palaging kapos pa. Bakit? Anong nangyari? Bigla ba talagang tumaas ang bilihin sa Pilipinas o bigla lang din tumaas ang standard ng pamumuhay ng pamilya mo? Bakit nagkaganoon? Kasalanan ni OFW. Bakit? E ipadala ba naman ni OFW ang lahat ng pera nya sa kanila habang sya naman ay nagpapaka martir sa pagtitipid sa kaniyang sarili. Mas madalas, to the extent na magpalipas pa si OFW ng gutom, minsan dalawang beses lang kakain sa isang araw, makapagpadala lang ng malaki sa pamilya nya gagawin nya. Si pamilyang pinadalhan, walang kamalay-malay sa kalagayan ni OFW. Ang alam lang gastusin ang pera na ipinapadala ni OFW sa kanila. Kaya pag-uwi ni OFW, kung paano syang umalis, ganoon din syang babalik. Bakit? E kasi, super emotional nung nasa abroad. "Miss na miss ko na kasi sila, kaya kahit na lang sa materyal na bagay e hindi naman ako magkulang sa kanila." Ito ang madalas mong maririnig sa mga OFW. Para bang walang katapusan ang kanilang pagiging OFW. Para bang umaasa sila na habang buhay ay tatanggap sila ng ganoong suweldo. Kaya pag tapos ng kontrata nila at hindi na sila i-renew ng kumpanyang kanilang pinagta-trabahuhan, hindi na nila alam kung ano ang gagawin nila. Bagamat marami sa kanila na aware na isang araw ay matatapos ang kontrata nila, marami sa kanila, imbes na harapin ang reyalisasyon na ito, marami pilit pa itong iwinawaksi sa kanilang isipan. Ang sabi nga ng iba, "Ay naku, matagal pa naman iyon. Ang importante ay ang maibigay ko sa pamilya ko ang makapagpapasaya sa kanila ngayon." Kaya pag dumating ang punto na wala na silang trabaho o sa anumang paraan ay hindi na sila makapag trabaho, (maaaring sanhi ng aksidente, sakit o dulot ng ibang bagay) hindi nila alam kung saan sila mag-uumpisa.

 

Walang matibay na plano
Photo courtesy of Ms. +Annalou Laudico 

Marami sa mga OFW, ang nagiging sentro ng kanilang pag-iisip ay para kumita ng pera para sa kanilang pamilya. At madalas, nalilibang sila ng kanilang sitwasyon. Nakakalimutan na nilang pagtuunan ng pansin ang mga mas mahahalagang bagay. Kasi kadalasan, pagtanggap na pagtanggap nila ng kanilang sahod, otomatik, sa remittance center agad ang diretso nila. Nakukuntento na sila sa ganoong sitwasyon kung kaya kapag may mga emergency o bigla silang nawalan ng hanapbuhay, hindi na nila alam kung ano ang kanilang gagawin.In short, sa umpisa pa lang, wala na silang matibay na plano.

Bakit importanteng magkaroon ng matibay na plano?
Isang dahilan kung bakit mahalaga ang pagkakaroon ng matibay na pagpaplano ay makakatulong ito sa iyo upang makamit mo ang bagay na iyong minimithi. Sa pamamagitan ng matibay na pagpaplano ay magkakaroon ka ng pagkakataon upang mapag-isipan mo ang mga strategy na kailangan mong magawa para sa katuparan ng iyong pangarap. Kapag nakagawa ka ng isang matibay na plano, at sinunod mo ng taimtim ang mga bagay na nakasaad sa iyong plano, mapapansin mo na maging ang iyong mga hindi magandang pag-uugali o nakasanayan ay unti-unting mababago. Halimbawa, kung nais mong magkaroon ng mapagkakakitaan na mas malaki kesa sa kinikita mo ngayon, dapat sa umpisa pa lang, ilista mo na ang mga dahilan kung bakit hindi nagbabago ang kinikita mo. Ano ang mga bagay na sa tingin mo ay nakapipigil sa iyo para lumaki ang kita mo. Maaring isa sa mga ito ay ang pagiging sarado ng isip mo sa ibang opportunity para kahit na nagtatrabaho ka ay may iba ka pa ring source ng income. O kaya naman, marami kang rason sa buhay. Na kaya hindi nagbabago ang income mo kasi tali ka sa trabaho at wala ka ng oras para sa ibang bagay. So, ilan lang ito sa mga posibleng rason. Kung ito rin ang isa sa mga rason mo, gawa ka ng paraan upang isa-isa mo itong mabago. Kung ang hilig mo ay manood ng telebisyon o maglaro ng "games" sa computer, kailangan mong iwasan ang mga ito kapalit ng pagsunod mo sa iyong plano upang ikaw ay magtagumpay. Halimbawa lang naman ito. Maraming paraan upang magkaroon ka ng matibay na plano sa buhay. At dapat pagpinlano mo, siguraduhin mo na ikaw mismo ay 100% na susunod sa plano mo. Kaya maraming plano ang nabibigo kasi mismong ang nagplano ang hindi sumusunod sa plano. Kagaya ng mga OFW na nangingibang bansa. Ang plano nila, magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya, pero pag hawak na ang sweldo, hindi na makontrol ang sarili. Madalas ito ang mga maririnig mo sa kanila, "minsan lang naman", "sale naman, murang-mura", "ito kasi ang uso"... Kaya ang resulta, si sweldo, ubos. Hindi pa tapos ang buwan, nangungutang na.

Kung gusto mong magkaroon ng pagbabago ang buhay mo, dapat handa kang maghirap. Handa kang magsakripisyo, kahit na to the extent na pagtawanan ka ng mga kakilala mo, kasi 3210 lang ang cellphone na gamit mo. Kung nahihirapan ka ka na, wag kang titigil. Wag kang susuko, kundi bagkus, itodo mo pa! Okay lang iyon. Mas mainam na pagtawanan ka nila ngayon at hamakin kung makakamit mo naman ang pangarap mo sa buhay, kesa makisama ka sa kanila at sa bandang huli, pare-parehas kayong luhaan. At least ikaw, pagdating ng araw, hindi mo na kailangang mangarap. Bakit? Kasi, nakamit mo na ang pangarap mo, pero sila, sila na hindi marunong magplano ng mga panghabangbuhay na plano, na ang alam lang ay ang ngayon, definitely, pag dating ng araw na iyon, patuloy pa rin silang nangangarap ng mga bagay na iyong nataglay na.

Marami pang pag-uugali ang mga Pilipino na kung mababago ay tiyak na magiging daan upang makamit ang buhay na kanilang minimithi. Sa sunod kong mga post, abangan mo na lang. Pasensya na, medyo mahaba na kasi. Habang nag-aantay ka ng susunod kong post, I suggest, umpisahan mo ng gumawa ng long-term plan mo para mayroon ka ng inuumpisahang gawin. Lagi mong tatandaan na lahat ng mga naging matagumpay sa buhay na ito, sa anumang larangan, lahat sila nag-umpisa sa simula. Sabi nga,
"A journey to a thousand mile begins with a single step."
Okay lang yun kung medyo mabagal kang lumakad, basta't wag ka lang hihinto. Wag ka lang susuko at lalong-lalo na na wag kang lalakad ng paatras! Okay?

See you on my next post!

(Ngapala, kung sa tingin mo na makakatulong ang mga bagay na nabasa mo dito sa blog ko sa mga kakilala mo, paki-share mo naman ito sa kanila. Wag mong solohin!)


Have a blessed day, my friend! :)




Friday 29 November 2013

Buhay Pinoy

Picture courtesy of Ms. Annalou Laudico
+Annalou Laudico 
ANG PANIMULA

Saang panig ka man ng mundo magpunta, tiyak mayroong Pinoy kang makikita. At sa tuwinang pagmamasdan mo sila, napakaraming istorya ang nagtatago sa kislap ng kanilang mga mata. Istorya ng iba't-ibang uri ng pamumuhay, karanasan at syempre pa, kaugalian. Mga kaugaliang Pinoy na naging bahagi na ng ating kultura.

Masasabi natin na sa isang banda, isa ito sa dahilan kung anuman ang antas ng pamumuhay ng isang tao sa ngayon. Kasi kung ano ka ngayon, ito ay bunga ng iyong mga desisyon at pag-uugali nuon. Halimbawa, kaya ka mayroong pag-aari sa ngayon, ito ay dahil sa desisyon mo na mag-impok at magsikap upang magkaroon ng mas mabuting pamumuhay. Pero kung anuman ang wala ka ngayon, produkto pa rin ito ng iyong naging pag-uugali at desisyon nuong mga nakaraang panahon ng iyong buhay.

May mga taong isinisisi ang kanilang ngayon dahil sa maraming bagay. Marami ang nagsasabi, ito na yata talaga ang palad ko. Ang mabuhay na maging isang mahirap. May iba nagsasabi, kaya hindi nagbabago o umaangat ang antas ng kanilang pamumuhay ay dahil sa uri ng gobyerno mayroon tayo, Iba't-ibang dahilan, ang kanilang sinasabi kung bakit hindi sila umaasenso sa buhay. May iba, hindi na nga umaasenso, pabulusok pa ang takbo ng kanilang buhay. Kaya may iba, nawawalan ng pag-asa sa buhay. Kasi para sa kanila, wala ng magiging anumang pagbabagong maaaring mangyari sa buhay nila. Pero may isa akong napansin, parang wala man lang nagsasabing kaya hindi nagbabago ang takbo ng kanilang pamumuhay sa ngayon kasi hanggang ngayon wala pa rin silang binabagong anuman sa sarili nila. Partikular na sa ugali nila. Halos lahat ibinabato ang sisi sa iba, pero parang wala man lang magsabing mismo sila ang dahilan kung bakit walang nagiging pagbabago sa takbo ng kanilang buhay. Sabi nga, kung gusto mong magbago ang mundo, baguhin mo muna ang sarili mo. Kung gusto mong umasenso, baguhin mo ang pag-iisip mo. Simulan mong akuin ang mga bagay at maging responsable sa mga ito. Isipin mo palagi, kung hindi ka kikilos, sino ang gagawa nito para sa iyo? Huwag mong iasa ang kinabukasan mo sa kamay ng iba kasi buhay mo yan. Ikaw ang dapat na magmaneobra kung ano ang dapat mong gawin. At syempre pa, dapat alam mo muna kung ano ba talaga ang nais mong mangyari sa buhay mo. Kasi may ibang tao, sabi nila, sawa na raw sila sa buhay nila. Pag tinanong mo naman, "bakit ano bang buhay ang nais mo?" ang isasagot sa iyo, "kahit ano, basta hindi ang buhay ko ngayon!" Haler? Pwede ba yon? May gusto ka pero pag tinanong ka sasabihin mo, kahit ano! Ibig sabihin, ikaw mismo sa sarili mo, hindi ka sure kung ano ba talaga ang gusto mo. At iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit marami sa ating mga Pilipino, hanggang ngayon, marami ang hindi umaangat ang buhay.Bagamat sa mga komersyals sinasabi natin, "Angat ang Pinoy", ang tanong, saan tayo angat?

Nasa ganito ka rin bang sitwasyon? Nais mo ba na umangat ang buhay mo pero hindi mo alam kung papaano? Good news, may paraaan kung papaano umangat ang buhay mo. May proseso. Actually, kung susundan mo lang ang proseso ng pag-angat sa buhay, hindi maglalaon ay makakamit mo ang buhay na matagal mo ng minimithi. Wag kang mag-alala, libre 'to Jorge. Wala kang babayaran. Babasahin mo lang at syempre pa, kung talagang nais mong mabago ang buhay mo, pagkatapos mong basahin, gawin mo. Kasi hindi naman nakakapagpabago ng buhay ang pagbabasa lang. Ika nga e, knowledge without application is useless. Kaya sana wag mong bale-walain ang mga bagay na i-se-share ko sa iyo. Nais mo bang malaman kung paano at kung ano ang prosesong ito?

Abangan mo ang susunod kong post. Duon malalaman mo ang sunod-sunod na gabay sa pagbabago ng iyong buhay. Na kung matama mong susundan at gagawin ay iyong pakikinabangan pati na ng iyong mga mahal sa buhay. Okay?

See you next time! :)