Monday 2 December 2013

Bakit Maraming OFW ang Hindi Umaasenso Kahit Nakapag Trabaho sa Labas ng Bansa ng Mahabang Panahon

Sa kasalukuyan, napakaraming Overseas Filipino Workers (OFW) o ayon sa POEA ang dapat na katawagan ay OCW o Overseas Contract Workers, sa halos lahat na ata ng panig ng mundo. At halos lahat sila, iisa ang dahilan ng pangingibang-bayan. Ang kumita ng mas malaking halaga ng pera para maiangat ang buhay ng kanilang pamilya. Pero halos karamihan sa mga nagtrabaho sa ibang bansa, pag-uwi, ganon pa din ang buhay, walang pinagbago. Ang nagbago lang, kung dati walang ni isa man sa pamilya nila ang may cellphone, ngayon kahit na ang limang taong gulang na bata ay may sariling cellphone. Maliban duon, wala na.

Naalala ko yung kakilala ko dati na may tatlong anak. Bago sya umalis papuntang abroad, tinanong sya ng misis at anak nya kung bakit pa niya kailangang umalis. Ang sabi nya, "alam nyo namang mahal na mahal ko kayo at kahit ano, lahat gagawin ko, mabigyan ko lang kayo ng magandang kinabukasan". Sa madaling salita, nangibangbansa ang kakilala kong ito, at makalipas ang ilang taon, ay muli siyang nagbalik-bayan. Syempre pa, excited to the max ang mag-anak na muling magsama-sama, at hindi lang ang mag-anak nya ang excited sa kaniyang pagbabalik, syempre pa, excited rin ang kaniyang mga kaibigan, kamag-anak at mga kapitbahay! Syempre, galing abroad, baka nga naman makabalato ng mga imported na chocolates, kape, noodles, o sardinas. Halos araw-araw, parang piyesta sa kanila. Palaging may kasiyahan, may kainan, may inuman. Palaging maraming bisita. Naging normal na ang ganitong senaryo sa bahay nila sa halos tatlong linggo. Makalipas ang isang buwan, napansin ko, wala ng mga taong nagpupunta sa bahay nila, wala na rin ang ingay ng kasiyahan at inuman. One time, nakasalubong ko siya sa Ortigas. Konting kamustahan (kasi ito lang ang pagkakataon na nagkausap kami sa dami ng taong nakapaligid sa kanya nung bagong dating siya). Nalaman ko sa kanya, nag-aapply syang muli para makapangibang bansa at nagtatanong kung saan sya pwedeng makahiram ng pera. Naubos na raw kasi ang perang uwi nya. Medyo matagal-tagal din kaming nagka-usap at sa pag-uusap namin, na-realize ko na halos pareho ang kwento nya sa iba ko pang kakilala na nagtrabaho sa ibang bansa. Na ang kanilang pangunahing dahilan kung bakit nais nilang mag-abroad ay para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya, pero pagkatapos ng ilang taon, ganon pa rin. Pa-ikot-ikot lang sila sa kanilang sitwasyon. Kaya ang naging tanong ko tuloy sa sarili ko, totoo nga ba na tanging pangingibang bansa lamang ang paraan upang maiangat ang pamumuhay ng iyong pamilya? O may ibang factor na dapat tayong i-consider kung nais nating maging maganda ang takbo ng buhay natin? Na kahit ano pa ang ginagawa natin, saan man tayo nagta-trabaho, may mga bagay na kailangan tayong i-konsidera kung talagang seryoso tayo na mapaganda ang lagay ng ating pamilya.

Sa mga kakilala ko na paikot-ikot lang ang pangyayari sa kanilang buhay. Ito ang mga bagay na napansin ko na nais kong maibahagi sa inyo at nawa'y makatulong ito sa inyo upang mamulat ang inyong mga mata sa katotohanan at maisaayos ang dapat isaayos at maiwasan ninyong magawa ang ganitong pagkakamali.


Karaniwang Ugali ng Mga OFW

Photo courtesy of Ms. +Annalou Laudico 
Masyadong emosyonal - Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging malapit sa ating mga mahal sa buhay, kaanak at mga kaibigan, syempre naman, mahal kasi natin sila. Kaya pagdating ni OFW sa ibang bansa, madalas, agad siyang tinatamaan ng "Homesick". Kaya para mapag labanan ito, madalas nauubos ang kaniyang pera sa pagtawag sa kaniyang mga mahal sa buhay. Ito ang matindi, kapag si OFW ay sumuweldo, ang unang gagawin, lahat ng pera nya, agad ipadadala sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Magtitira lang sya ng pera na kasyang-kasya lang para sya ay maka survive sa buong buwan. Ika nga e, wag lang malaglagan ng piso at tiyak di na makakauwi ng bahay. Kaya ngayon ang pamilya niyang naiwan, pag tanggap ng kanyang perang pinagpaguran, anong mararamdaman? Syempre pa, tuwang-tuwa! As in super excited! Isipin mo naman, first time lang makahawak ng ganoon kalaking halaga. Kasi nung sa Pilipinas pa nagta-trabaho si OFW, malaki na ang take home na limang libo sa isang buwan. Take note, isang buwan. Hindi po ito kinsenas. Kung kinsenas, P2,500. Kaya si pamilya na makakatanggap ng beinte mil, di magkandatuto sa paggastos sa sweldo ni OFW! Bili ng cellphone, syempre pa, dapat yung uso! Dapat smart phone ika nga, bili ng mga mamahaling brand ng sapatos, damit, bag, at kung anu-ano pa. Kung dati, nagkakasya lang sila sa pagkain ng mga simpleng pagkain sa bahay, ngayon hindi na syempre. Dapat punta tayong mall kasi mainit sa bahay. Kain tayo sa Pizza Hut, Shakeys, Jollibee. Grabe! Ika nga, sa pagtaas ng income ng kanilang pamilya, agad-agad ring tumataas ang standard ng kanilang pamumuhay. Madalas, mas mataas kaagad ang itinataas ng standard ng kanilang pamumuhay kesa sa income ng kanilang pamilya. Kaya wala pang katapusan, si pamilya, tatawag kay OFW, sabay sabing, "Mahal, kelan ka uli magpapadala? Kasi ubos na ang perang ipinadala mo sa amin." Akala kasi nila, kinsenas-katapusan din ang sweldo mo gaya sa Pinas kaya madalas, wala pang kalagitnaan ng buwan, ubos agad ang perang ipinadala ni OFW sa kanila.

Imagine, nung nasa Pilipinas ka pa, nung hindi ka pa nangingibang-bayan, nakakaraos kayo sa limang libong pisong budget buwan-buwan. Ngayon nakapag abroad ka lang, ang beinte mil na pinapadala mo sa pamilya mo, ni hindi man lang magkasya sa buong buwan. Palaging kapos pa. Bakit? Anong nangyari? Bigla ba talagang tumaas ang bilihin sa Pilipinas o bigla lang din tumaas ang standard ng pamumuhay ng pamilya mo? Bakit nagkaganoon? Kasalanan ni OFW. Bakit? E ipadala ba naman ni OFW ang lahat ng pera nya sa kanila habang sya naman ay nagpapaka martir sa pagtitipid sa kaniyang sarili. Mas madalas, to the extent na magpalipas pa si OFW ng gutom, minsan dalawang beses lang kakain sa isang araw, makapagpadala lang ng malaki sa pamilya nya gagawin nya. Si pamilyang pinadalhan, walang kamalay-malay sa kalagayan ni OFW. Ang alam lang gastusin ang pera na ipinapadala ni OFW sa kanila. Kaya pag-uwi ni OFW, kung paano syang umalis, ganoon din syang babalik. Bakit? E kasi, super emotional nung nasa abroad. "Miss na miss ko na kasi sila, kaya kahit na lang sa materyal na bagay e hindi naman ako magkulang sa kanila." Ito ang madalas mong maririnig sa mga OFW. Para bang walang katapusan ang kanilang pagiging OFW. Para bang umaasa sila na habang buhay ay tatanggap sila ng ganoong suweldo. Kaya pag tapos ng kontrata nila at hindi na sila i-renew ng kumpanyang kanilang pinagta-trabahuhan, hindi na nila alam kung ano ang gagawin nila. Bagamat marami sa kanila na aware na isang araw ay matatapos ang kontrata nila, marami sa kanila, imbes na harapin ang reyalisasyon na ito, marami pilit pa itong iwinawaksi sa kanilang isipan. Ang sabi nga ng iba, "Ay naku, matagal pa naman iyon. Ang importante ay ang maibigay ko sa pamilya ko ang makapagpapasaya sa kanila ngayon." Kaya pag dumating ang punto na wala na silang trabaho o sa anumang paraan ay hindi na sila makapag trabaho, (maaaring sanhi ng aksidente, sakit o dulot ng ibang bagay) hindi nila alam kung saan sila mag-uumpisa.

 

Walang matibay na plano
Photo courtesy of Ms. +Annalou Laudico 

Marami sa mga OFW, ang nagiging sentro ng kanilang pag-iisip ay para kumita ng pera para sa kanilang pamilya. At madalas, nalilibang sila ng kanilang sitwasyon. Nakakalimutan na nilang pagtuunan ng pansin ang mga mas mahahalagang bagay. Kasi kadalasan, pagtanggap na pagtanggap nila ng kanilang sahod, otomatik, sa remittance center agad ang diretso nila. Nakukuntento na sila sa ganoong sitwasyon kung kaya kapag may mga emergency o bigla silang nawalan ng hanapbuhay, hindi na nila alam kung ano ang kanilang gagawin.In short, sa umpisa pa lang, wala na silang matibay na plano.

Bakit importanteng magkaroon ng matibay na plano?
Isang dahilan kung bakit mahalaga ang pagkakaroon ng matibay na pagpaplano ay makakatulong ito sa iyo upang makamit mo ang bagay na iyong minimithi. Sa pamamagitan ng matibay na pagpaplano ay magkakaroon ka ng pagkakataon upang mapag-isipan mo ang mga strategy na kailangan mong magawa para sa katuparan ng iyong pangarap. Kapag nakagawa ka ng isang matibay na plano, at sinunod mo ng taimtim ang mga bagay na nakasaad sa iyong plano, mapapansin mo na maging ang iyong mga hindi magandang pag-uugali o nakasanayan ay unti-unting mababago. Halimbawa, kung nais mong magkaroon ng mapagkakakitaan na mas malaki kesa sa kinikita mo ngayon, dapat sa umpisa pa lang, ilista mo na ang mga dahilan kung bakit hindi nagbabago ang kinikita mo. Ano ang mga bagay na sa tingin mo ay nakapipigil sa iyo para lumaki ang kita mo. Maaring isa sa mga ito ay ang pagiging sarado ng isip mo sa ibang opportunity para kahit na nagtatrabaho ka ay may iba ka pa ring source ng income. O kaya naman, marami kang rason sa buhay. Na kaya hindi nagbabago ang income mo kasi tali ka sa trabaho at wala ka ng oras para sa ibang bagay. So, ilan lang ito sa mga posibleng rason. Kung ito rin ang isa sa mga rason mo, gawa ka ng paraan upang isa-isa mo itong mabago. Kung ang hilig mo ay manood ng telebisyon o maglaro ng "games" sa computer, kailangan mong iwasan ang mga ito kapalit ng pagsunod mo sa iyong plano upang ikaw ay magtagumpay. Halimbawa lang naman ito. Maraming paraan upang magkaroon ka ng matibay na plano sa buhay. At dapat pagpinlano mo, siguraduhin mo na ikaw mismo ay 100% na susunod sa plano mo. Kaya maraming plano ang nabibigo kasi mismong ang nagplano ang hindi sumusunod sa plano. Kagaya ng mga OFW na nangingibang bansa. Ang plano nila, magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya, pero pag hawak na ang sweldo, hindi na makontrol ang sarili. Madalas ito ang mga maririnig mo sa kanila, "minsan lang naman", "sale naman, murang-mura", "ito kasi ang uso"... Kaya ang resulta, si sweldo, ubos. Hindi pa tapos ang buwan, nangungutang na.

Kung gusto mong magkaroon ng pagbabago ang buhay mo, dapat handa kang maghirap. Handa kang magsakripisyo, kahit na to the extent na pagtawanan ka ng mga kakilala mo, kasi 3210 lang ang cellphone na gamit mo. Kung nahihirapan ka ka na, wag kang titigil. Wag kang susuko, kundi bagkus, itodo mo pa! Okay lang iyon. Mas mainam na pagtawanan ka nila ngayon at hamakin kung makakamit mo naman ang pangarap mo sa buhay, kesa makisama ka sa kanila at sa bandang huli, pare-parehas kayong luhaan. At least ikaw, pagdating ng araw, hindi mo na kailangang mangarap. Bakit? Kasi, nakamit mo na ang pangarap mo, pero sila, sila na hindi marunong magplano ng mga panghabangbuhay na plano, na ang alam lang ay ang ngayon, definitely, pag dating ng araw na iyon, patuloy pa rin silang nangangarap ng mga bagay na iyong nataglay na.

Marami pang pag-uugali ang mga Pilipino na kung mababago ay tiyak na magiging daan upang makamit ang buhay na kanilang minimithi. Sa sunod kong mga post, abangan mo na lang. Pasensya na, medyo mahaba na kasi. Habang nag-aantay ka ng susunod kong post, I suggest, umpisahan mo ng gumawa ng long-term plan mo para mayroon ka ng inuumpisahang gawin. Lagi mong tatandaan na lahat ng mga naging matagumpay sa buhay na ito, sa anumang larangan, lahat sila nag-umpisa sa simula. Sabi nga,
"A journey to a thousand mile begins with a single step."
Okay lang yun kung medyo mabagal kang lumakad, basta't wag ka lang hihinto. Wag ka lang susuko at lalong-lalo na na wag kang lalakad ng paatras! Okay?

See you on my next post!

(Ngapala, kung sa tingin mo na makakatulong ang mga bagay na nabasa mo dito sa blog ko sa mga kakilala mo, paki-share mo naman ito sa kanila. Wag mong solohin!)


Have a blessed day, my friend! :)




No comments:

Post a Comment