Monday 16 December 2013

"Auntie Terry"

Biglaan lang itong panulat kong ito. Nalungkot kasi ako ng mabasa ko ang istorya ng isang Pinay na nagbigay inspirasyon sa isang Singaporean film director upang makagawa ng isang pelikula na may pamagat na "Ilo ilo".

Photo from Iloilo Movie Facebook Fan Page

Angat sa iba ang pelikulang "Ilo ilo" kasi ito ay isa sa mga finalists sa 2013 Cannes Festival at nanalo ito ng "Camera d'Or prize" sa Cannes. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na manalo at makatanggap ng ganitong karangalan ang Singapore sa ganito ka-prestihiyosong film festival. At hindi lang sa Cannes pinarangalan ang nasabing pelikula. Tumanggap din ito ng iba't-ibang papuri at parangal galing sa iba't-ibang mga award giving bodies kagaya ng pinaka huling award na natanggap ng nasabing pelikula nito lang 2013 Asia Pacific Screen Awards. Iloilo Movie Awards and Recognitions


PHOTO COURTESY OF SELRAHCO
Don't get me wrong. Masaya ako para sa lahat ng casts at crews, para sa lahat ng bumubuo ng pelikulang "Iloilo". They deserve the awards.


Malungkot ako sa naging buhay ni "Auntie Terry" o Teresita Sajonia sa totoong buhay. Malungkot ako sa naging kwento ng kanyang buhay. Kaya ko sya isinusulat ay para sana mamulat ang mga makakabasa nito. Para ito sa mga kababayan ko na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanilang mga mahal sa buhay. Sana maka-relate po kayo at sana ay maging eye-opener ito sa inyo.



Photo from Iloilo Movie Facebook Fan Page

Si Auntie Terry kasi ay dating nagtrabaho sa Singapore bilang katulong. Sya ang dating katulong ng pamilya ng Director ng pelikulang "Iloilo" na si Anthony Chen. Inalagaan nya noon ang noo'y bata pang director na si Direc Anthony Chen at ang nakababatang kapatid nito na si Christopher.

Kahit papaano ay masasabing maayos ang buhay dati ni Aunti Terry. (Auntie, kasi ito ang normal na katawagan sa Singapore at Malaysia para sa mga matandang babae na hindi mo kamag-anak). Naging priority nya nuong nagtatrabaho pa sya ang kanyang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas. In fact, sya pa nga ang nagpaaral sa kanyang pamangkin nuon na ngayon ay ni hindi man lang makapag-alok ng anumang tulong sa kanya.

Ang punto ko po dito ay ito, marami sa ating mga kababayang OFW na kung magpadala ng pera sa kanilang pamilya ay higit pa sa kanilang kaya. Marami halos simutin ang bulsa nila dito sa abroad at ang iba, nangungutang pa, para lang maipadala nila sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Hindi nila napagtutuunan ng pansin ang reyalidad na isang araw, uuwi rin sila ng Pilipinas. Isang araw, titigil din silang magtrabaho. Maaaring dahil tapos na ang kontrata, o dahil may kaguluhan sa bansang iyon kaya kailangan silang pauwiin, o kaya hindi na sila feel ng amo nila o ang masaklap, hindi na sila makapag trabaho kasi may sakit na sila o dahil na rin sa kanilang katandaan.

At dahil sa hindi napagplanuhang sitwasyon, sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas, mag-uumpisa na nilang mararanasan ang mga bagay na hindi nila naisip na kanilang mararanasan. Syempre, madalas, pag-uwi ni OFW sa Pinas, wala naman syang trabaho. Walang trabaho, means walang sweldo. Walang Sweldo means walang pera. At walang pera means wala ka na ring maaasahan. Kung dati, nuong may pera ka pa, sikat ka. Ang daming taong nakapaligid sa iyo. Pati nga kapitbahay mo na hindi mo naman ka-close, nakikihingi ng pasalubong. Ngayon, mismong mga mahal mo sa buhay na ginastusan mo, pinag-aral mo, ni hindi ka man lang nila malingon upang bigyan ng tulong.

Masakit. Malungkot ako kay Auntie Terry kasi ni hindi man lang sya mabilhan ng salamin ng pamangkin na pinag-aral nya. Dati, ang plano nya, nais sana nyang maging Midwife o Nurse kapag nakapag abroad sya pero hindi ito nagkaroon ng katuparan. Pinagpalit nya ang pangarap nya para suportahan ang mahal nya sa buhay na ngayon ay hindi man lang sya maalalang tulungan. 

Ilan ba sa atin ang ganito? Nasa ganito ka rin bang sitwasyon, kaibigan? Mag-isip-isip ka. Huwag kang magpadala dyan sa emosyon mo, kundi bagkus gamitin mo yang emosyon mong iyan upang maiangat kayong lahat sa kahirapan. Huwag mong ipadala lahat ang kinikita mo sa kanila. Ipunin mo at gamitin mo sa iba pang pwedeng pagkakitaan. Huwag mong gastusin sa mga bagay na mawawalan din ng halaga pagkalipas ng ilang panahon. Marami kasi hindi alam ang tungkol sa pag hawak ng pera. May iba, napapailing na lang ako, kasi pag dating ng sahod, bili agad ng mga usong gadgets. Ang sasabihin pa, "investments" daw nila. Panong investment e pagkabiling-pagkabili mo pa lang, depreciated kaagad ang value! Hay nakupow! Ang investment, yung something na makapagpapasok sa iyo ng karagdagang kita. Hindi iyong mababawasan na nga ang pera mo, magkakaroon ka pa ng karagdagang gastusin! Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ang nahihirapan sa buhay. Bagamat kumikita sila, nahihirapan pa rin sila. Kasi nga, it is not how much you earn but it is how you manage your earnings. Maaaring malaki nga ang kinikita mo, pero ang lumalabas naman sa iyo ay doble sa kinikita mo, bukas makalawa, matatagpuan mo ang sarili mo na baon ka na sa utang. Mas malalim pa ang hukay na hinukay mo sa pagkakautang kesa sa hukay na paglilibingan sa iyo. Kaya't gising, kaibigan! Huwag kang magpadala sa buyo ng iyong emosyon kundi bagkus, maging matalino ka, lalo na sa pananalapi. Huwag mong bayaang mangyari ang bagay na ito sa iyo. Kung talagang mahal mo ang mga mahal mo sa buhay, kung talagang gusto mong makaahon sa kahirapan, tulungan mo muna ang sarili mo upang makatulong ka ng maayos sa iba. Hindi iyong tutulong ka ngayon sa kanila pagkatapos bandang huli ikaw naman ang magiging pabigat sa iba. Ang masakit, pagdumating ang pagkakataong iyon na wala man lang makaalala sa iyo. 

Maging matalino ka sa pananalapi. Matuto kang magnegosyo at maging maingat sa anumang negosyo na papasukin mo. Huwag kang basta sasabak sa bagay na hindi mo nalalaman o dahil sabi lang ni kumare o ni kumpare o ni tatay o ni nanay o ni poncio pilato. Maging maingat ka sa pagdedesisyon. Tulungan mo ang sarili mo. Mag basabasa ka, mag-aral ka. Huwag kang magpapadala sa mga nagsasabing pag sumali ka dito, agad magbabago ang buhay mo. Pag nagpadala ka sa mga ganoong tao, totoo yun, bukas magbabago kaagad ang buhay mo, sila mayaman ikaw pulubi. Nagpaloko ka kasi sa scam nila. Lagi mong tatandaan, there is no such thing as instant yaman. Pagpaguran mo, paglaanan mo ng oras at dapat ang bawat matututunan mong mabuti, isabuhay mo. There's no point na basa ka nga ng basa, aral ka nga ng aral, hindi mo naman ginagawa, wala rin. Don't expect for anything great to happen in your life if you are not doing anything new. 

Huwag mo ng sundan ang naging istorya ng buhay ni Auntie Terry. Gumawa ka ng sarili mong istorya. Istorya na magiging inspirasyon sa mga tao. Umpisahan mo na! Kilos na! Ngayon na!






No comments:

Post a Comment